CBCP Cinema: Ekstra
Posted by Teresa Tunay CBCP CINEMA
Tuesday, August 20, 2013
Technical assessment: 3.5
Moral assessement: 3
MTRCB rating: PG 13
CINEMA rating: PG 13 (Ages 13 and below with parental guidance)
Mag-isang itinataguyod ng ekstra o “bit player’ na si Loida Malabanan (Vilma Santos) ang anak na nag-aaral sa kolehiyo. Madaling araw pa lamang ay abala na si Loida sa paghahanda para makasabay sa serbis na sasakyan magdadala sa kaniya at mga kasama sa location shooting ng teleserye kung saan gumaganap sila bilang mga Ekstra. Kailangan niyang kumita sa shooting na yon dahil magbabayad ng tuition para makapag-exam ang anak. Maluwalhati namang nakarating sa lokasyon ng mga kukunang tagpo sina Loida kung saan parang sanay na sila na binabalewala sila dahil hindi naman sila ang mga bida sa teleserye--walang nakatalagang lugar para sa kanilang pagpapahinga, pagbibihis, at kahit sa pagkain. Sa kabila ng mga pagmamaliit ay puno pa rin ng pag-asa si Loida na aasenso siya at makikitaan ng saya sa kanyang ginagawa. Pinagbubutihan ni Loida ang maliliit na papel na ibinibigay sa kanya tulad ng pagiging parte ng madaming tao, katulong at pag-double sa bida sa mga pisikal na eksena kaya naman hinangaan siya ng mga kasama, ng talent coordinator, at kahit ng mga tao sa produksyon. Samantala habang abala si Loida sa shooting ay nagti-text ang kanyang anak at humihingi ng pambayad sa tuition. Mangangailangan ng gaganap sa papel na abogado at mayroong linya na sasabihin; mapipili si Loida. Buong pagmamalaking ite-text niya agad sa anak ang balita, lalo na’t kasama niya sa eksena ang matagal na niyang iniidolong artista na si Amanda (Pilar Pilapil). Matugunan naman kaya ni Loida ang kailangan ng anak at ano ang kalalabasan ng pagganap ni Loida sa eksena bilang abogado?
Napakahusay ng mga teknikal na aspeto ng pelikulang Ekstra. Malinis at makatotohanan ang pagkakalahad ng kuwento. Interesante ang mga eksena na tila isang “reality show” ang tinutunghayan ng mga manonood. Maayos ang palitan ng aktwal na mga eksena ng shooting at teleserye na nagtatampok kina Piolo Pascual, Marian Rivera, Cherie Gil, at Pilar Pilapil. Nakaaliw panoorin ang kabuuan ng pelikula dahil sa maingat na paghahatid ng mga detalye. Mahusay ang trato ni Jeturian sa paghahatid ng mga eksena at pagpapalutang ng mga karakter sa mga nagsiganap. Hindi matatawaran ang pagganap ng isang Vilma Santos at isang salik ang pagiging bida niya sa pelikula para sa higit na “appreciation” ng mga manonood. Hindi rin nagpahuli ang mga kasamang nagsiganap sa pelikula, batikan man o mga baguhan. Akma at epektibo ang mga inilapat na tunog, musika at ilaw. Maganda at nakakaaliw ang mga kuha ng camera lalo na sa pagpapakita ng mga detalye. Sa kabuuan ay nakitaan ng seryosong paghahatid ang pelikula na ginamitan ng mahusay na aspetong teknikal—walang alinglangan na ang pagiging makatotohanan ng Ekstra ay gawa ng mahabang karanasan ni Jeturian bilang direktor ng mga teleserye, bukod sa pagiging isang iginagalang na direktor ng pelikula.
http://cbcpcinema.blogspot.com/2013/08/ekstra.html
No comments:
Post a Comment